Linggo, Hunyo 30, 2013

Reaksyon: Bayaning 3rd World


 Gabay para sa mga estudyanteng hirap gumawa ng reaksyon. Paalala, copy-pasting will haunt you to death. 

--------------



Sa introduksyon pa lamang ng pelikula, makikita ang iba’t-ibang pambansang bagay, hayop, at pagkain na nagrerepresenta sa ating bayan. Sa huli ay ipinakita si Rizal bilang ‘national hero’. Ngunit bakit nga ba siya’y tinawag na bayaning 3rd world?

“Sino si Rizal? National hero. The great Malayan.  Ang natatanging Indio bravo.” Ito ang ilan sa mga salitang nabanggit ni Ricky Davao sa pelikula. Mula pagkabata ito ang tinuro sa’tin. Si Rizal ay ang ating pambansang bayani. Siya ay isang Indio na nagbuwis ng buhay para sa bayan. Karapat-dapat nga ba siya sa katawagang iyon gayong mga Amerikano ang pumili sakaniya at hindi tayong mga Pilipino? Gaya ng nabanggit sa pelikula, “kung kasalanang pagdudahan ang pagkabayani ni Rizal, mukhang magkakasala ka”. Marahil ay oo, isa na’ko sa nagkakasala.

“Ako ay isang katoliko, at sa relihiyong iyon, nais kong mabuhay at mamatay.” Isang isyung usapin patungkol sa buhay ni Rizal ay ang pagbabalik loob niya sa simbahan sa pagsusulat ng liham ng gabing bago siya mamatay . May nagsasabing genuine ang teksto, pero kadudaduda ang pirma. 

Nakakalungkot isipin na may mga taong wala sa kanilang tamang pag-iisip, na pati si Rizal ay ginawang diyos. Para sa’kin ay isa lamang siyang tao gaya natin. Oo, madami siyang nagawa kumpara sa iba. Pero hindi ba, tao din siya, nagkakamali. Hindi siya perpekto. Hindi siya Diyos.

Bukod sa nabanggit na si Rizal bago patayin ay kalmado at posturang-postura na tila’y walang nangyayari. Nakakagulat ding malaman na may asong nakasama sa eksena. Ito ay marahil isang pruweba na ‘dog is a man’s best friend’.

 “Ang isang bansang walang bayani ay isang bansang walang kasaysayan” Ito ang linyang makabuluhan na alam kong hindi basta basta sang-ayunan. Naniniwala ako na ang isang bayani ay sumisimbolo sa katagumpayan, nakamit na layunin, at kalayaan ng isang bayan, ngunit hindi ang kasaysayan nito. Kung iisipin, hindi ba’t mayroon tayong mga katutubong nanirahan bago pa man dumating ang mga espanyol?

Hindi ko rin masyadong nagustuhan ang isyu tungkol sa relasyon ni Rizal kay Josephine Bracken. Ang pagsasama ng dalawang taong nag-iibigan sa isang bahay na hindi kasal ay isang kasalanan sa simbahan. Naniniwala akong alam ni Rizal iyon, ngunit bakit pa rin niya ginawa? Talaga bang tinalikuran na niya ang kaniyang relihiyon? Pati pagsusuot niya ng rosary bago mamatay ay napag-usapan sa pelikula. 

Maraming isyu, kontrobersiya, at katanungan na hanggang ngayon hindi pa rin nasasagot, maliit man ito o malaki. Ngunit kung ano man ang katotohanan sa likod ng lahat, iilan lang siguro ang nakakaalam. At gaya nga ng sabi, ‘kanya-kanyang Rizal’. Lahat tayo’y may iba’t-ibang pananaw o persepsyon sa buhay ni Rizal. Ang iba’y maaring duda sa pagkabayani, ang iba nama’y hanggang ngayon ay hangang-hanga pa rin. 

Kung ako ang tatanungin, oo humahanga ako sa naging buhay ni Rizal. Isa siyang taong may taglay na talino; isang taong may wagas na pagmamahal sa bayan; at isang taong nangarap na makamit ang kalayaan. Hindi man niya naipagtanggol ang bayan gaya ng nila superman, batman, spiderman, o kahit sino pang fictional superhero, siya’y nananatiling inspirasyon ng mga Pilipino na dati’y tinatawag na Indio.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento